MANILA, Philippines — Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para matukoy ang pagkakakilanlan at lokasyon ng isang babae na tumangay sa isang sanggol na ipinahawak lamang dito saglit ng lolo ng paslit, sa Ermita, Maynila.
Dumulog na nitong Biyernes ng gabi sa Ermita Police Station 5 si Alpha Mercado, ina ng pitong buwang sanggol, at idinulog ang ginawang pagtangay sa kaniyang anak.
Sa salaysay ni Mercado, ipinagkatiwala niya sa kaniyang ama ang kaniyang sanggol para makapasok siya sa trabaho nitong nakaraang Biyernes. Nagtungo umano sa isang malapit na parke ang ama at doon nakakuwentuhan ang isang babae.
Sinabi ng kaniyang ama na ipinahawak muna niya ang sanggol sa babae para siya ay makapagbanyo. Nang bumalik siya, hindi na niya makita ang babae at ang kaniyang apo.
Alas-2:30 ng hapon nang tawagan ng isang kaanak si Mercado sa kaniyang trabaho para sabihin na nawawala ang kaniyang anak.
Sa nakalap na CCTV footage ng pulisya, nakuhanan ng video ang babae na tangay-tangay ang sanggol.
Ayon pa kay Mercado, nakausap niya ang suspek na gumagamit ng dummy account sa Facebook at nakikiusap siya na isauli ang anak makaraang mag-viral agad ang post nila. Sinabihan umano siya ng babae na ipinaampon sa kaniya ang sanggol na itinanggi naman ng ina.
Tiniyak naman ni PLtCol. Wilfredo Fabros, hepe ng Ermita Police Station, na tututukan nila ang kaso hanggang sa mabawi ang sanggol. May mga kuha umano ng CCTV na malinaw ang hitsura ng babae upang tuluyan na siyang makilala.