MANILA, Philippines — Nagpalabas na ang Bureau of Customs (BOC) noong Biyernes, Pebrero 2, 2024, ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa dalawang Bugatti Chiron sports cars na kamakailan ay namataan sa Metro Manila at Cavite ngunit wala namang kaukulang importation documents.
Nabatid na ang dalawang units ng 2023 model sports car, isang kulay asul na may plate number na NIM 5448 at isang kulay pula na may plate number na NIM 5450, ay nakarehistro sa mga pangalang Menguin Zhu at Thu Thrang Nguyen.
Ayon kay Customs Commissioner Bien Rubio, na sumang-ayon sa WSD na inirekomenda ni Deputy Commissioner for Customs Intelligence Group Juvymax Uy, mayroon na silang natanggap na “derogatory information” hinggil sa mga naturang sasakyan noon pang Nobyembre 17, 2023.
“The agency received information last November 2023 about the entry of these vehicles without going through regular customs clearance. These vehicles were also being openly advertised in online markets and various social media sites,” anang deputy commissioner.
Idinagdag pa ni Uy na ang Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ay nagsagawa na rin ng case build-up matapos na matanggap ang impormasyon.
Umapela naman si BOC-CIIS Director Verne Enciso sa publiko na huwag mag-atubiling ipagbigay-alam sa kanila kung sila ay may nalalamang impormasyon hinggil sa mga naturang behikulo.
Tiniyak din nito na handa silang magkaloob ng cash rewards para sa sinumang impormante o whistleblowers, alinsunod sa Section 1512 ng CMTA at CAO 03-2022, na katumbas ng 20% ng aktuwal na kitang kanilang makokolekta.
Ang mga may-ari ng mga naturang sasakyan ay inaasahan ding hihingiin na magpakita ng mga kaukulang importation documents.
Kung matuklasan umanong walang kaukulang dokumento, mahaharap sila sa kaso.