MANILA, Philippines — Naniniwala ang National Irrigation Administration (NIA) na posibleng maging sapat ang supply ng bigas sa 2028 o bago matapos termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay NIA acting administrator Engr. Eduardo Guillen, mangyayari ito kung maisasaayos ang mga reservoir at diversion types ng mga dams para sa sapat na supply ng tubig.
“Confident ako na by siguro mga 2028, rice sufficient na tayo dahil sa ating maidaragdag na area for irrigation,” ani Guillen.
Matatandaang 2023 nang unang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na target nila ang 100% self-sufficiency ng bigas sa taong 2027 sa pamamagitan ng Masagana Rice Program 2023-2028.
Sinabi ni Guillen na kailangan ding paghandaan ang magiging epekto ng El Niño at priyoridad nila na makapag-produce ng supply na tubig para sa mga magsasaka.
“Obviously ang number one na tututukan natin ay ang water supply, ‘yung tubig—kung paano natin matutulungan ang farmers sa tubig dahil ito talaga ang kailangan natin sa food production,” dagdag pa ni Guillen.
Tiwala rin si Guillen na tataas pa ang produksiyon ng palay sa production area ng NIA ngayong El Niño. Sakaling maipatupad aniya ang alternate wetting and drying technology, maaari nang matubigan ang mas malaking bahagi ng sakop ng NIA.