MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na hindi solong babayaran ng mga indibidwal na jeepney drivers ang monthly amortization ng mga modernong jeepneys sa sandaling makuha na ang mga ito ng kanilang kinabibilangang kooperatiba o korporasyon.
Ito’y sa ilalim pa rin ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.
Ang paglilinaw ay ginawa ni DOTr Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairman Andy Ortega kasunod ng mga ulat na ang buwanang bayad ng mga modernong jeepneys ay babayaran ng mga drivers.
Ayon kay Ortega, dahil kabilang na ang mga drivers sa kooperatiba at korporasyon, ang entity na ang magmamay-ari, bibili at magbabayad ng kanilang mga units.
“Sama-sama po sila. Hindi po tama ‘yung mga lumalabas sa ibang grupo na ‘yung driver will shoulder the vehicle price,” paliwanag pa ni Ortega, sa panayam sa radyo.
Dagdag pa niya, ang kooperatiba o korporasyon ay kailangang lumikha ng budget plan, kabilang na ang sweldo ng mga drivers, gayundin ng monthly amortization para sa mga units.
Matatandaang kahapon ay nagdaos muli ng protesta ang ilang transport group upang tutulan ang PUVMP.