128 dayuhang pugante, nagtago sa Pinas, naaresto – BI

MANILA, Philippines — Umaabot sa 128 da­yuhang pugante na nagtago sa Pilipinas, ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) noong nakaraang taon.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kabilang sa mga naarestong foreign fugitives ay 39 South Koreans, 25 Chinese, 15 Vietnamese, 12 Taiwanese, 11 Americans at walong Japanese.

Ani Tansingco, hindi welcome sa bansa ang mga dayuhang pugante.

Paniniguro pa niya, patuloy nilang paiigtingin ang kanilang kampanya upang tugisin ang mga ito at ipatapon pabalik sa kanilang bansa para panagutan ang nagawang pagkakasala.

Nabatid na ang BI Fugitive Search Unit (FSU) ang nagsagawa ng pag-aresto sa mga operasyong ikinasa nationwide, sa pakikipag-ugnayan sa kanilang foreign law enforcement counterparts.

Karamihan umano sa mga naaresto ay naipa-deport at nakasuhan na may katumbas na penalties sa nagawang kaso.

Kabilang sa mga reklamong nagawa ng mga pugante ay may kinalaman sa econo­mic crimes, investment scams, illegal gambling, money laundering, tele­communications fraud, robbery, at smuggling.

Lahat ng naaresto ay inilagay na rin umano sa blacklist ng BI ng mga undesirable aliens upang hindi na makapasok pang muli sa bansa.

Show comments