MANILA, Philippines — Himas rehas ngayon ang isang security guard na iligal na nagpaputok ng baril noong pagsalubong sa Bagong Taon sa Brgy. Baesa, sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Boy Bagua, 44, residente ng naturang barangay.
Naaresto ito ng Talipapa Police Station (PS 3), matapos makatanggap ng sumbong kaugnay ng indiscriminate firing sa Baesa Road, Brgy. Baesa, Quezon City.
Lumilitaw na nakainom ang suspek at nakasukbit pa ang baril sa kanyang baywang nang arestuhin.
Narekober naman dito ang isang ARMSCOR 202 Cal. 38 SPL na kargado pa ng bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 11926, o Indiscriminate Discharge of Firearms, at R.A. 10591, o Comprehensive Firearms and Regulation Act.
Samantala, ikinatuwa ni Quezon City Police District Director PBGen. Redrico Maranan na walang naitalang kaso sa 8 focus crimes sa pagsalubong sa taong 2024.
Malaking tulong din umano ang kampanya laban sa paputok at pagtatalaga ng QC LGU ng mga lugar para sa mga firecrackers.