Binatilyo patay, 2 pa sugatan sa aksidente

MANILA, Philippines — Patay ang isang binatilyo, habang dalawa pa ang nasugatan   makaraang tamaan  ng isang posteng bumagsak sa Marikina City nitong Huwebes ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Mark Erwin Canlas, habang ginagamot pa sa Amang Rodriguez Hospital ang dalawang iba pa.

Sa ulat ng Marikina City Police, naganap ang insidente dakong alas-10:25 kamakalawa ng gabi.  Naghihintay ng masasakyan sina Canlas at dalawa niyang kasamahan sa gilid ng kalsada nang makaladkad ng isang 10-wheeler truck ang ilang nakalaylay na kable  sa lugar.

Dahil dito, dalawang poste pa ng isang tele­communications company at apat na poste ng kuryente ang bumagsak.  Isa sa poste ang tumama sa biktima.

Isinugod ang biktima sa pagamutan maging ang pahinante ng trak at isa sa pasahero ng isa pang behikulo na nadamay sa insidente.  Alas-11:10 ng gabi nang ideklarang wala nang buhay si Canlas.

Nanawagan ng katarungan ang ama ng nasawi na si Erwin Canlas na iginiit na dapat managot ang tsuper ng trak na hindi muna pinangalanan ng pulisya.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang naturang tsuper na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property sa prosecutor’s office ng Marikina.

Show comments