Scammer na gumagamit sa pangalan ni Abalos, timbog

Iniharap ni  Abalos sa media, ang  suspek na si Edison Samson Montealto, alyas Larry Abalos na nasakote  ng mga tauhan ng Office of the Internal Security ng DILG katuwang ang Lingayen Police Station sa isang entrapment operation sa nasabing bayan nitong Disyembre 7, 2023.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Arestado ang isang scammer na miyembro ng sindikato na guma­gamit ng pangalan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos upang makapanloko at ma­ngikil  sa iba’t ibang lokal na opisyal.

Iniharap ni  Abalos sa media, ang  suspek na si Edison Samson Montealto, alyas Larry Abalos na nasakote  ng mga tauhan ng Office of the Internal Security ng DILG katuwang ang Lingayen Police Station sa isang entrapment operation sa nasabing bayan nitong Disyembre 7, 2023.

Sinabi ni  Abalos na sangkaterba ang reklamo na kanilang natanggap mula sa iba’t ibang mayor at gobernador, hinggil sa ginagawang pagpapanggap at panloloko sa kanila ng grupo ni Montealto gamit ang kanyang pangalan.

 “Ang style niya ay ganito: sasabihin niya, ‘Ako si Secretary Abalos. Magpapadala ako ng bigas sa inyo, on the way na dyan.’ [Tapos sasabihin na] ‘medyo nasiraan [ang sasakyan], pakitulungan naman. O kaya baka pwede magbigay ka ng pera, ito GCash ko. Tatawag sa ‘yo staff ko.” ani Abalos.

Tinatayang na nasa P150,000 na ang sala­ping nakuha ng suspek mula sa kanyang mga naging biktima.

Sinampahan na ng spoofing si Montealto sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11934 o SIM Registration Act at Identity Theft sa ilalim ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act at Estafa.

Ang spoofing ay ang pagpapadala ng maling impormasyon tungkol sa pinagmulan ng tawag o text message, na may layuning manloko, makasakit, o magnakaw ng anumang halaga.

Show comments