MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang electrician nang mahuli sa aktong itinatakas ang isang mamahaling manok panabong kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Sinampahan ng kasong Qualified Theft ang suspek na si Alvin Ortega, 32, ng Alupihan Dagat, Brgy. Lungos, Malabon.
Batay sa reklamo ni John Eric Garcia, 29 sa Quezon City Police District Police Station 10 (Kamuning), dakong alas -11 ng gabi nitong Huwebes nang maganap ang pagnanakaw ng suspek.
Pauwi na si Garcia sakay ng kanyang motorsiklo nang makita niya ang suspek na papalabas ng kanyang bahay sa Campopot St., Brgy. Roxas District, Quezon City.
Bitbit ng suspek ang isang ecobag na naglalaman ng dalawang texas na nagkakahalaga ng P24, 0000.
Agad na sinita ni Garcia ang suspek na nagtangka pang tumakas.
Nabawi naman ang isang manok panabong subalit nawawala naman ang isa pa.
Inaalam naman ng pulisya kung may koneksiyon ang suspek sa ilan pang insidente ng nakawan ng manok sa lungsod.