MANILA, Philippines — Matatanggalan ng lisensiya ang security guard na nagtapon ng tuta buhat sa isang overpass sa Quezon City noong nakaraang Hulyo na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Ito ay makaraang makakita ng probable cause ang PNP Civil Security Group (CSG)’s regional security unit sa naging aksyon ng security guard na si Jojo Malicdem na lumabag sa probisyon ng Republic Act 11917 o ang private security services industry act-section 234 at 235 na nagsasaad ng paglabag sa sinumpaang tungkulin ng isang security professional.
Ayon kay PNP CSG director Maj. Gen. Benjamin Silo Jr. na si Malicdem ay bigong tupdin ang tungkulin para protektahan ang anumang may buhay kayat ito ay nagkasala sa naturang batas.
“Tanggalan namin siya ng lisensya then as to the criminal aspect we will be referring it to the territorial unit of the Philippine National Police which has jurisdiction over the place of incident,” pahayag ni Silo.
Una nang nakasuhan ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) si Malicdem hinggil sa paglabag sa Republic Act 8485, o Animal Welfare Act. Ang naturang tuta ay pagmamay-ari ng mga batang lansangan.
Ang insidente ay naging viral sa social media dahilan para kasuhan ang naturang guwardiya.