MANILA, Philippines — Ikinagalak ng mga opisyal ng Central Luzon State Univerity (CLSU) at local government ng Science City of Munoz, Nueva Ecija ang pagkakapili sa kanila ng isang pharmaceutical company upang gawing laboratoryo ng mga gamot partikular ang medical marijuana.
Kasama nina CLSU President Edgar Orden at Science City of Munoz Mayor Baby Armi Alvarez, isinagawa ang ground breaking ng laboratory ng Bauertek Corporation sa pangunguna ni General Manager Dr. Richard Nixon Gomez at Rigel Gomez, president sa compound ng CLSU.
Ayon kay Orden, malaking tulong sa kanila ang nasabing kompanya upang muling maisaayos ang lugar na matagal nang nasira lalo na noong pahanon ng pandemya. Nasa 15 ektarya ng CLSU ang gagamitin ng kompanya.
Sinabi naman ni GM Gomez, layon nilang makagawa at makapagproseso ng pulidong mga gamot gayundin ang medical marijuana.
Nabatid kay Gomez na magtatanim ng marijuana sa lugar na gagamitin sa paggawa ng medical cannabis na lumitaw sa kanilang pagsusuri ay makagagaling ng mga sakit tulad ng ephilepsy, anxiety, cancer, depression, sleep disorder maging mga sakit sa katawan na nararanasan ng mga athlete matapos ang paglalaro.
Tiniyak pa na hindi magagamit sa bisyo ang mga marijuana dahil kasama nila ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsusuri upang gawin itong gamot.