13-anyos student ni-rape slay, isinako

MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 13-anyos na dalagita matapos na matagpuang patay na habang nakagapos, walang saplot pang-ibaba, sa loob ng isang sako malapit sa ilog ng Brgy. San Jose sa Pili, Camarines Sur kahapon ng madaling araw.

Ang biktima na pinaniniwalaang biktima ng panggagahasa ay iItinago sa pangalang “Ana Sumacayen”, Grade-8 student at residente ng Zone-7, River Site, Brgy San Jose, Pili, Camarines Sur.

Sa ulat ng pulisya, pasado alas-2 ng mada­ling araw nang mapansin ng ilang residente ang isang sako sa tabi ng ilog na malapit sa palayan. Nang kanilang tingnan ay laking gulat nila nang tumambad sa loob ng sako ang isang batang babae na nakagapos at patay.

Napansin din umano ng mga saksi na walang suot pang-ibaba ang biktima.

Ayon sa ina ng biktima, umalis umano sa kanilang bahay ng huli dakong alas-11 ng umaga noong Sabado subalit hindi na nakauwi.

Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ang mga pulis para matukoy ang suspek at isinailalim na sa autopsy ang bangkay para mabatid ang sanhi ng kamatayan nito.

Pinaniniwalaan na sa ibang lugar pinatay ang biktima at isinilid sa sako saka itinapon sa naturang lugar ng ‘di kilalang salarin.

Show comments