MANILA, Philippines — Nailigtas ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang apat na mag-iinang hinostage ng isang lalaki na dayo sa kanilang lugar sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila, kamakalawa.
Nakilala ang mga nasagip na sina Jenelyn Abogatal, 31, ng Block 1, Dubai, Brgy. 649 Baseco Compound, Tondo; at mga anak niyang sina Aljun, 5; Sopia, 2 at Elgin, 1-taong gulang.
Nahaharap naman sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Anti-Child Abuse Law, slight illegal detention at illegal possession of deadly weapon ang naarestong suspek na si Justine Sagun, 33, security guard, ng Brgy. Cupang, Muntinlupa City.
Sa ulat ng Baseco Police Station 13, dakong alas-10:45 ng umaga nang maganap ang pangho-hostage sa loob ng bahay ng mga biktima sa Baseco Compound.
Ayon sa pulisya, bisita sa lugar ang suspek at nakipag-inuman sa ilang kakilala nang bigla na lamang pinasok nito ang bahay ng mga biktima at hinostage ang mag-iina habang dini-demand sa mga pulis na kausapin siya ng kaniyang kapatid.
Sa gitna ng negosasyon, nakakuha ng tiyempo ang mga pulis na nagawang mahablot ang mga biktima palayo sa suspek.
Dito na siya tuluyang inaresto at pinosasan ng mga pulis. Nakumpiska sa kaniya ang isang kutsilyo na may habang 10 pulgada na ginamit sa pangho-hostage.