MANILA, Philippines — Nag-umpisa nang dumagsa sa mga pantalan ang libu-libong mga pasahero na pauwi sa mga probinsya para doon gunitain ang Undas o dahil sa mahabang bakasyon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa monitoring ng PCG, mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga nitong Martes, nakapagtala ng 25,243 outbound passengers at 22,266 inbound passengers sa lahat ng pantalan.
Para makatiyak sa kaligtasan ng mga pasahero, ininspeksyon ng PCG ang 258 sea vessels at 202 motorbancas na bumibiyahe.
Nakataas na rin ang heigtened alert status sa lahat ng kanilang distrito, istasyon at sub-stations na tatagal hanggang Nobyembre 6 para makatiyak na maayos na mapamamahalaan ang pagdagsa ng mga pasahero.
Samantala, iniulat din ng PCG ang mahigpit na pagbabantay sa isla ng Boracay, ang nangungunang bakasyunan sa bansa.
Mahigpit umano ang pagbabantay ng Coast Guard Station Aklan sa Caticlan Jetty Port Terminal na dinaraanan ng mga turista at biyahero papunta sa isla. Dagdag pa dito ang pagpapatrulya sa katubigang sakop ng Boracay at buong probinsya ng Aklan.