MANILA, Philippines — May nakahandang libreng sakay ang Quezon City at Manila government para sa mga commuter na maaapektuhan ng transport strike ng mga tsuper ng jeepneys ngayong Lunes.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, itatalaga ang karagdagang QCity Bus units sa Routes 4, 6, at 7 upang maserbisyuhan ang mga pasaherong maaapektuhan ng planong transport strike ng ilang grupo.
Ang Route 4 ay mula Quezon City Hall patungong General Luis, habang ang Route 6 ay mula rin sa City Hall patungong Gilmore at ang Route 7 ay mula City Hall patungong C5 Road at Ortigas Avenue Extension.
Magtatalaga rin ang QC-LGU ng karagdagang traffic enforcers mula sa Traffic and Transport Management Department para umasiste sa mga motorista at commuters.
Tiniyak naman ng Manila City government na ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), sa pakikipag-ugnayan sa Metro Manila Development Authority (MMDA), ay magmo-monitor sa transport strike.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, magpapakalat din sila ng mga emergency vehicles at mga e-trikes upang magkaloob ng libreng sakay sa mga apektadong ruta.
“Tomorrow (Lunes) morning, emergency vehicles and e-trikes will be on standby for Operation Libreng Sakay in affected routes,” ani Abante.
“As to announcements for class suspension, wala pa pong announcement. The Mayor is coordinating with the Division of City Schools-Manila on this,” dagdag nito.
Samantala, sinabi ni MMDA General Manager Procopio Lipana na hindi mag-aalok ang ahensya ng libreng sakay hangga’t walang magiging demand para rito.
“Hindi tayo magfi-field ng libreng sakay unless may demand sapagkat kung magfi-field tayo, ang mapeperwisyo ay iyong mga hindi sasama sa tigil-pasada. Mukhang Manibela lang ang magsasagawa ng tigil-pasada. ‘Yung Magnificent 7 (na transport groups) ay nag-signify na hindi sila sasama sa tigil-pasada,” ani Lipana.
Nakaantabay rin ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng libreng sakay sa mga apektadong mananakay.