MCU footbridge, pansamantalang isasara

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pansamantalang pagsasara ng MCU footbridge sa Monumento Station simula sa susunod na buwan.

Ayon sa DOTr, sisimulan ang closure sa Oktubre 2, 2023 at magtatagal hanggang Nobyembre 2, 2023.

Nabatid na ito ay kaugnay ng isinasagawang station improvements ng DOTr at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA Busway Monumento Station.

“Upang hindi maantala ang biyahe ng mga pasahero at gayundin ang mga pedestrian na gumagamit ng nasabing footbridge, pinapayuhan ang lahat na gamitin muna ang EDSA-Boni Serrano (5th street) footbridge,” anang DOTr.

Dagdag pa ng DOTr, ang station improvements na ito sa Monumento ay parte ng pangmalawakang rehabilitasyon sa EDSA Busway kung saan nilalayong mas pagandahin ang kasalukuyang serbisyo.

Kabilang na anila rito ang paglalagay ng surveillance system, pagpapahaba at pagpapalawak ng existing stations, pagbibigay ng karagdagang access sa mga footbridges, at iba pang imprastrakturang PWD-friendly.

Show comments