MANILA, Philippines — Kapwa himas rehas ngayon ang isang matadero at fish vendor na sinasabing mga “tulak” ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya nitong Sabado sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief PCol. Jay Baybayan ang mga suspek na sina Rector Conje, 35, matadero ng C. Perez St. Brgy. Tonsuya at Jonathan Gaspar alyas “Jojo”, 44, tindero ng isda, ng Estrella St., Brgy. Tañong.
Batay sa report na tinanggap ni Northern Police District (NPD) director, Brig. Gen. Rizalito Gapas, nakatanggap ang opisina ni Baybayan ng impormasyon mula sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon Police na nagtutulak ang dalawang suspek ng droga at ginagamit lamang na front ang kanilang pagiging fish vendor at matadero.
Agad na bineripika ng mga pulis ang impormasyon at saka isinagawa ng buy-bust operation.
Mabilis na dinakma ang dalawa nang magkaabutan ng droga at buy-bust money mula sa poseur buyer na pulis.
Nakuha mula sa mga suspek ang 6 plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P189,312 at isang pen gun na may dalawang bala ng .38mm.