6 Navotas cops lumabag sa SOP
MANILA, Philippines — Malaking kuwestiyon umano ang hindi pagpapagana ng body worn camera ng mga pulis nang magsagawa ang mga ito ng follow up operation laban sa isang murder suspect kung saan napagkamalan ang binatilyong si Jerhod “Jemboy” Baltazar na siyang suspek at kalauna’y napatay nitong Agosto 2 sa Navotas City.
Ito ang inihayag ni Navotas City Police chief Col. Allan Umipig ng Northern Police District (NPD) kaya bahagi ng kanilang imbestigasyon ay ang hindi paggamit ng body worn camera na isa mga standard operation procedure (SOP) sa police operations.
Ani Umipig, iimbestigahan din ang report na tinangka ng mga pulis na itago ang insidente dahil umabot pa ng tatlong oras bago ito mai-report sa kanya. Sa katunayan, hindi niya alam na may operasyon ang mga pulis sa Brgy. NBBS Kaunlaran.
Kinilala ang mga sangkot na pulis na sina PEMS Roberto Balais, PSSg Antonio Bugayong, PSSg Gerry Maliban, PSSg Nikko Pines Esquillon, PCpl. Edward Jake Blanco at Pat. Benedict Mangada.
Tiniyak ni Umipig na hindi niya kukunsintihin ang ginawa ng kanyang mga pulis at tanging ebidensiya lamang ang kanilang pagbabatayan.
Maging si NCRPO chief PBGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ay nagbigay ng katiyakan sa pamilya ni Baltazar na makakamit nila ang hustisya.
Ani Nartatez, dapat lamang na sumailalim ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy sa “retraining”.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Forensic Pathologist Dr. Raquel Fortun na tama sa ulo na tumagos ilong ang ikinamatay ni Baltazar. Nalunod din ito na nakadagdag sa agaran nitong kamatayan.
Lumilitaw din na may tama ng bala ng baril sa kanang kamay si Baltazar. Posible umanong nakataas na ang kamay ni Baltazar na indikasyon ng pagsuko nito subalit pinaputukan pa rin ng mga pulis.
“‘Yung kamay, because of the location, this is what we call a defense-type injury. And I heard accounts that he held his hands up in surrender, and that is a defensive stance,”ani Fortun.
Agad ding ibinasura ni Fortun ang alibi ng mga pulis na tumalon si Baltazar sa tubig at doon pinagbabaril.
“Kasi kung blindly nagpaputok ka sa isang tao sa tubig... the chest naturally is a bigger target, wala kaming nakitang bala naiwan doon sa body. Lusutan talaga, through and through ‘yung dalawang tama niya,” dagdag pa ni Fortun.
Wala ring nakitang mga empty shell sa crime scene.