Sa pagkapatay sa 17-anyos na binatilyo
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong kriminal sa piskalya ang anim na tauhan ng Navotas City Police na nakapatay sa 17-anyos na binatilyo sa isang insidente ng ‘mistaken identity’ na naganap noong Agosto 2 sa nasabing lungsod.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief PBGen. Redrico Maranan, naisampa na ang kasong homicide laban sa anim na pulis, habang inihahanda naman ang kasong administratibo bunsod sa pagkakapaslang sa biktimang si Jerhode ‘Jemboy’ Baltazar.
Ayon kay Maranan, hindi kukunsintihin ng PNP ang maling gawain ng mga pulis at dapat lamang na maibigay sa pamilya ng biktima ang hustisya.
Tiniyak din nito na walang magaganap na whitewash sa kaso.
Binanggit pa ni Maranan na isinuko na rin ng mga pulis ang kanilang service firearms, habang isinasagawa ng imbestigasyon.
Magugunitang, una nang inamin ni Navotas police chief Col. Allan Umipig na biktima ng ‘mistaken identity’ si Baltazar.
Nagsasagawa umano ng follow-up operation ang mga pulis laban sa isang murder suspek nang mapagkamalan si Baltazar na noo’y nakasakay sa bangka at papalaot sana sa Balanse St., North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran, Navotas City.
Sinabi naman ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo na minamadali na nila ang kanilang imbestigasyon laban sa anim na pulis.
Samantala, sinabi pa ni Maranan na plano ng PNP na isailalim sa refresher course ang mga pulis tungkol sa tamang Police Operational Procedure.
Sunud-sunod aniya ang mga kwestyonableng insidenteng kinasangkutan ng mga pulis.