MANILA, Philippines — Suspendido ang klase, gayundin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Marikina City ngayong Lunes upang bigyang-daan ang opening parade at ceremonies para sa ika-63rd Palarong Pambansa.
Nabatid na sakop ng kautusan ang lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod, gayundin ang lahat ng local government offices.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, nagpasya silang suspindihin ang klase at pasok sa mga government offices upang bigyan ng pagkakataon ang mga residente na saksihan ang naturang annual sports event. Inimbitahan din naman ni Teodoro ang lahat na saksihan at makibahagi sa 63rd Palarong Pambansa, kung saan ang Marikina ang nagsisilbing host city.
“We invite everyone to witness and be part of the 63rd Palarong Pambansa, where the City of Marikina is the host city,” dagdag pa ni Teodoro.
Ang 63rd Palarong Pambansa ay sisimulan ngayong Lunes, Hulyo 31, at magtatagal hanggang sa Agosto 5.
Isasagawa ito sa Marikina Sports Center at lalahukan ng mga student athletes mula sa 17 rehiyon sa bansa.