Ammonia leak naganap sa ice plant uli sa Navotas

MANILA, Philippines — Isa na namang ammonia leak ang naganap ka­makalawa ng gabi na nagresulta ng pagpapalikas sa ilang manggagawa sa planta ng yelo sa  Brgy. North Bay Boulevard, South Navotas City.

Ayon kay Navotas City fire marshal Fire Superintendent Jude delos Reyes naganap ang ammonia leak dakong alas-11:45 kamakalawa ng gabi.

Nasa 12 manggagawa at tatlong kamag-anak ng ilang manggagawa ang nananatili sa ice plant nang mangyari ang pagtagas ng ammonia.

Bukod sa pagsusuri sa kalagayan ng mga manggagawa, bahagyang isinara rin ng mga awtoridad ang kalsada sa lugar upang maprotektahan ang mga motorista sa posibleng panganib.

“Doon sa pag-change nila ng kanilang mga filters, sa ammonia filters, like doon sa ‘piping’ nila, ‘yung pag-replace nila ng mga vaults. Kasi if there is too much pressure doon sa pipes, meron vibration, and then corrosive rin ‘yung ammonia so the tendency really is may wear and tear sa mga joints na ‘yun,” ani Reyes.

Ayon kay Reyes. alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang  isinara ng mga responder ang isang balbula sa compressor room ng planta ng yelo kung saan tumagas ang ammonia.

Aniya, titingnan ng mga awtoridad ang preventive maintenance measures ng planta ng yelo.

Sinabi ni City Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Office (CDRRMO) head Vonne Villanueva na kakailanganing sumunod muli ang mga ice plant sa mga rekisitos bago sila makapag-operate para matiyak ang kaligtasan.

Ayon naman kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, kailangang isara pansamantala ang planta habang nagsasagawa ng imbestigasyon at inspeksiyon ang BFP.

“Siguro, ang nangyari po dito, noong pandemya hindi masyadong nakapag-maintenance kaya kung minsan nagkakaroon ng leak,” anang alkalde.

Show comments