MANILA, Philippines — Nasungkit ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang prestihiyosong Excellence Award sa inagurasyon ng Asia Pacific Broadcasting Awards 2023 na ginanap sa Singapore.
Kinilala ng award giving body ang bi-monthly online talk show ng Quezon City na “Usapang QC.”
Napili ang Usapang QC sa Excellence Award for Government Streaming dahil sa uniqueness, innovation, at impact ng programa.
Mapapanood ang ‘Usapang QC’ dalawang beses sa isang buwan tuwing araw ng Biyernes at naka-livestream sa official Facebook page ng city government.
Ipinakikita sa programa ang mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan kung paano tinutugunan ang pangangailangan ng mga residente.
Binibigyang halaga ng programa ang mga tanong at komento ng mga nanonood.
Bago ang ‘Usapang QC’, inilunsad na rin ng lokal na pamahalaan ang kaparehong online talk show na “Sa Totoo Lang” Webinar Series para labanan ang mga maling impormasyon at paniniwala ukol sa COVID-19 vaccines at iba pang isyu sa lungsod.
Mismong si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang tumanggap ng parangal.
“To continue creating quality content and informative discussions as part of our commitment to inclusive and innovative leadership, as well as to fighting misleading information in social media,” pahayag ni Belmonte.
Nabatid na ang Quezon City ang kauna-unahang local government units na naglunsad ng programa.
Mapapanood ang Usapang QC sa https://www.facebook.com/QCGov.