MANILA, Philippines — Pansamantalang natigil ang biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) kahapon ng hapon matapos na magkaaberya ang isa sa mga tren nito.
Sa abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, nabatid na dakong alas-2:42 ng hapon nang unang magpatupad ang linya ng tren ng 25KPH restriction mula Baclaran Station sa Parañaque City hanggang sa Roosevelt Station sa Quezon City.
Ito’y dahil sa isang tren na tumirik sa southbound ng EDSA Station.
Pagsapit ng alas-2:46 ng hapon ay tuluyan nang ipinatupad ang stop for safety sa linya.
Tiniyak naman ng LRMC na kaagad na tinugunan ng kanilang mga technician ang problema.
Humingi rin ito ng pang-unawa sa publiko dahil sa nangyari.
Pagsapit naman ng alas-2:58 ng hapon ay naayos na ang problema at tuluyang naibalik sa normal ang biyahe ng LRT-1.