MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang “most wanted person” sa isinagawang pagtugis ng mga miyembro ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa Parañaque at Las Piñas City, nitong Sabado.
Unang nadakip ang Top 10 Most Wanted Person ng Parañaque na si John Michael Elesterio, 19, na nahaharap sa kasong rape o paglabag sa Article 266-A (1)(A) kaugnay ng Art. 266-B ng Revised Penal Code, dakong alas-2:40 ng hapon sa Manggahan Street, Mashville, Barangay BF Homes.
Inaresto si Elesterio sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Moises Domingo de Castro ng Parañaque City Family Court Branch 10, na walang inirekomendang piyansa. Samantala, nagsagawa ng manhunt operation ang mga miyembro ng Las Piñas Police- WSS laban sa mga wanted persons na humantong sa pagkakaaresto kay Rolando Barot, 43-anyos.
Si Barot na inilagay bilang top 6 most wanted person at nahaharap sa kasong illegal possession of drugs, ay naaresto dakong alas-4:00 ng hapon. sa kanyang bahay sa Barangay CAA, Las Piñas.
Isang warrant of arrest ang inilabas laban kay Barot ni Judge Anne Beatrice Aguana Balmaceda ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Branch 200 para pagsilbihan ang sentensya sa nasabing kaso.