NWRB nanawagan sa publiko na magtipid ng tubig

MANILA, Philippines — Bilang paghahanda pagsisimula ng El Niño phenomenon, hiniling ng National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid ng tubig.

Tiniyak ni  NWRB ­Executive Director Sevillo David na ang NWRB at iba pang water-related agencies ng gobyerno ay naghahanap ng mga mapagkukunan ng tubig upang mapaghandaan ang epekto ng El Niño sa huling bahagi ng taong ito.

“Ano ang magagawa ng publiko sa sitwasyon natin? Tignan natin kung papaano ang publiko…gusto natin i-advocate ang tamang paggamit [ng tubig]. Water conservation po,” ani David.

Sinabi rin ni David na habang wala pa ang El Niño ay dapat tignan  kung papaano  makakatulong sa pagtitipid ng tubig  para pagdating ng kasagsagan ng El Niño ay nakahanda ang lahat.

Sinabi ng opisyal ng NWRB na tumitingin din ang ahensya ng mga paraan upang samantalahin ang inaasahang sobrang pag-ulan bago ang pagsisimula ng El Niño.

“Tinitignan kung papaano maiipon, mako-conserve itong mga tubig-ulan na mapapakinabangan natin ngayong panahon ng tagtuyot at summer season,” ani David.

Show comments