MANILA, Philippines — Target ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na makapagpatayo pa ng mas maraming pasilidad upang higit pang mapababa ang congestion rate sa kanilang mga piitan sa buong bansa.
Matatandaang una nang sinabi ni BJMP spokesperson ChiefInspector Jayrex Bustinera na bumaba na sa ngayon ang congestion rate ng kanilang mga piitan sa 367% kumpara sa dating 600%, may limang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Bustinera, sa kabila nang pagbaba na ng congestion rate, ay patuloy pa rin silang gumagawa ng mga pamamaraan upang mapaluwag pa ang mga bilangguan, kabilang na rito ang pagpapatayo ng mga bagong pasilidad sa tulong ng mga local government units (LGUs).
Aniya pa, tinitiyak din nilang ang mga kaso ng mga persons deprived of liberty (PDL) na nasa kanilang pangangalaga ay naiko-coordinate sa mga hukuman upang mapalaya kaagad ang mga ito.
“[Ito po ay] para mapalaya nang maaga ang ating mga PDL at ganun din po ang pag-improve ng facilities para mapalawak siya at bumaba lalo ang congestion rate,” aniya pa.
Kaugnay nito, siniguro rin naman ni Bustinera na pinaghahandaan na rin nila ang posibleng pagsulpot ng mga summer-related diseases sa kanilang mga pasilidad.
Sumasailalim na rin aniya ang kanilang mga tauhan sa training upang tugunan ang mga naturang karamdaman.
Tiniyak naman ni Bustinera na sa ngayon ang mga PDLs na nasa kanilang kustodiya ay nasa maayos na kondisyon.