MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki matapos nakawin ang isang transformer mula sa isang truck sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/LtCol. Elizabeth Jasmin, Station Commander ng Quezon City Police District (QCPD)- Fairview Police Station (PS 5) ang naarestong suspek na si Denmark Duca, 23, residente ng Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Nakatakas naman ang kanyang kasabwat na si Genesis Sosa, residente ng Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang pagnanakaw sa Chestnut St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Nauna rito, minamaneho umano ng ‘di pinangalanang biktima ang kanilang family vehicle, na isang Isuzu Elf Truck at may lulang isang unit ng Potential Transformer na nagkakahalaga ng P40,000.
Habang mabagal umanong binabagtas ng biktima ang naturang lugar, ay inakyat ng mga suspek ang likurang bahagi ng sasakyan at tinangay ang transformer saka tumakas.
Nakita naman ng isang rider ang pangyayari kaya’t inimpormahan ang biktima na kaagad na humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis.
Kaagad na umaksyon ang mga pulis at hinabol ang mga suspek na nagresulta sa pagkadakip sa suspek ngunit nakatakas ang kanyang kasabwat, na tugis na ng mga pulis. Nabawi rin ng mga awtoridad mula sa naarestong suspek ang ninakaw na transformer.
Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong theft sa piskalya.