MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante nang pagbabarilin ng apat na hindi nakikilalang suspect habang ang una ay nagpapahinga sa loob ng sasakyan sa tapat ng kanyang bahay sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Tatlong tama ng bala sa ulo ang tinamo ng biktimang si Gilberto Cayetano Jr., residente ng Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ni P/SSg John Robert Baligod, may hawak ng kaso, dakong alas -10:59 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa tapat ng bahay ng biktima.
Sinabi ni Rachelle Reyes, misis ng biktima, na habang binabantayan ang kanyang food stall sa kahabaan ng J. Victor Street, Brgy. Pio Del Pilar, Makati City, nakita niya ang kanyang mister na nagpapahinga sa loob ng kanilang sasakyan.
Ayon sa mga testigo, pinaputukan ito ng mga suspect lulan ng mga motorsiklo.
Nagawa pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival.
Narekober sa crime scene ang 5 fired cartridge cases, isang (1) metallic fragment, at isang tinga o fired bullet.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing may nauna nang banta sa buhay sa ng biktima.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente para matukoy ang mga salarin at motibo sa krimen.