MANILA, Philippines — Naibalik nang lahat sa bilangguan ang 10 preso na tumakas sa Pasay City Police jail makaraang maaresto ang apat pang pugante pa sa magkahiwalay na lugar sa Pasay at sa Cavite kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Pasay City Police, bumagsak sa kamay nila ang ika-10 takas na si Richard Dela Cruz, 27, nahaharap sa kasong iligal na droga. Nadakip siya ng mga pulis dakong alas-5:10 ng hapon sa loob ng Sgt. Mariano Cemetery sa Pasay City.
Nauna dito dakong alas-6:45 ng umaga nang maaresto si Romeo Estopa sa may Mulawin Street, Brgy. 179 Maricaban, Pasay City, habang alas-7:15 ng umaga nang sumunod na mapasakamay ng pulisya si Carlo Magno Benvides, 37, sa operasyon sa Medicion 2E, Imus City, Cavite.
Naaresto naman si Norman Deyta, alyas ‘Pitpit’, 28, dakong alas-10 ng umaga kahapon sa may Apelo Cruz St., Brgy. 152, Pasay City. Narekober sa kaniya ang isang unit ng 9mm Beretta pistol at isang magazine na may walong bala.
Matatandaan na tumakas ang 10 preso ng Malibay Detention Facility nitong madaling araw ng Abril 3. Ito ay nang pagtulungan nila ang isang jailguard at tangayin ang kaniyang armas, pera at susi ng bilangguan.