Single ticketing system sa NCR, target ma-fully implement sa katapusan ng Abril

MANILA, Philippines — Target ng Metro Manila Council (MMC) na tuluyan nang maipatupad ang single ticketing system sa National Capital Region (NCR) sa katapusan ng Abril.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng MMC, ang dry run para sa naturang bagong sistema ay sisimulan nila sa una at ikalawang linggo ng Abril.

Aniya, lalahukan ito ng walong local government units (LGUs), kabilang ang San Juan City.

Ang full implementation naman aniya nito ay target nilang maisakatuparan sa katapusan ng naturang buwan.

“Ang mangyayari ho ngayon by first to second week of April yung eight local government units ang magda-dry run including San Juan. And by the end of April, we are looking to fully implement already,” pahayag ni Zamora.

Samantala, binigyan naman ang mga LGU sa NCR ng hanggang Marso 15 upang amiyendahan ang kanilang mga ordinansa, alinsunod sa naturang single ticketing system.

Matatandaang isinulong ang pagbuo ng single ticketing system na ang layunin ay magtatag ng isang unipormadong polisiya sa mga traffic violations at penalty system sa Metro Manila.

Sakop nito ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa at bayan ng Pateros.

Show comments