MANILA, Philippines — Isinapubliko na ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang wanted poster ng anim na security guards na sinasabing sangkot sa pagkawala ng anim na sabungero sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila noong 2022.
Makikita sa Facebook post ng CIDG ang larawan ng mga wanted na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto G. Matillano, Jr.
Kamakalawa ay naglabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court laban sa anim na guwardiya para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang paglalabas ng wanted poster ay kasunod ng pakikipagpulong ng CIDG kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at sa pamilya ng anim na sabungero.
Nauna nang nag alok si Remulla ng ?6 milyong pabuya para sa ika-aaresto ng anim na akusado kasunod na rin ng inilabas na warrant of arrest sa kasong kidnapping and serious illegal detention.
Umaasa naman si CIDG director BGen. Romeo Caramat, Jr. na sa pamamagitan ng mga posters at sa impormasyon, mapapabilis ang pagtunton sa pinagtataguan at agarang pagkahuli ng mga akusado.
Kabilang sa anim na sabungero sina John Claud Inonog, Marlon Baccay at kapatid na si James, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum at Rowel Gomez, pawang taga-Sampaloc, Tanay, Rizal.
Ayon kay Caramat, ilalagay ang poster sa lahat ng PNP unit, transport terminals, social media at website ng CIDG para sa kanilang ikadarakip.
Nilinaw ni Caramat na ang insidente ng pagdukot sa Maynila ay isa lamang sa walong kaso na hawak ng Task Force Sabungero.