Jeep swak sa ospital, rider patay!

Agad na nasawi dahil sa malaking sugat sa ulo ang biktimang nakilalang si Noe Ocenar Agaigar, nasa hustong gulang. Sugatan naman ang nahagip din na security guard na si Marvin Pelaez.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pumasok sa loob ng isang ospital ang isang pampasaherong jeep nang pumutok ang isang gulong nito dahilan para masalpok din ang isang motorsiklo na ikinasawi ng rider nito, kahapon ng umaga sa Sta. Ana, Maynila.

Agad na nasawi dahil sa malaking sugat sa ulo ang biktimang nakilalang si Noe Ocenar Agaigar, nasa hustong gulang. Sugatan naman ang nahagip din na security guard na si Marvin Pelaez.

Hawak naman nga­yon ng pulisya ang suspek na jeepney driver na kinilalang si Ronaldo Fanis y Feria.

Sa inisyal na ulat ng Sta. Ana Police Station 6, binabagtas ng pampasaherong jeep (OSC 553) ang kahabaan ng Panaderos Street patungo ng Pedro Gil St. dakong alas-10:30 ng umaga nang umano’y sumabog ang isa sa gulong nito.

Nawalan ng kontrol sa sasakyan si Fanis na ipinasok ang jeep sa isang bukana ng Trinity Women and Children Hospital ngunit nabundol nito ang biktimang si Agaigar na lulan ng isang itim na scooter habang nahagip din si Pelaez.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang inihahanda na din ang paghahain ng kasong Homicide at Frustrated Homicide through Reckless Imprudence sa Manila City Prosecutor’s Office laban kay Fanis.

Show comments