Tandem, timbog sa damo at boga

MANILA, Philippines — Arestado ng Makati City Police ang riding-in-tandem na nahulihan ng isang baril at ilang gramo ng marijuana, kamakalawa ng gabi sa naturang siyudad.
Kinilala ang mga naaresto na sina Patrick Garcia, 21 at Michael Perez, 19.  Nakumpiska sa kanila ang isang kalibre .38 na baril na may dalawang bala at nasa 60 gramo ng marijuana.

Sa ulat ng pulisya, nagsasagawa ng anti-criminality patrol sa may South Super Highway sa Brgy. Pio Del Pilar ang mga pulis nang mapansin ang isang motorsiklo na humaharurot sa takbo habang walang suot na helmet ang dalawang sakay nito.
Hinabol ng mga pulis ang motorsiklo hanggang sa makorner at walang maipakitang lisensya o rehistro ng motorsiklo.

Nang kapkapan, dito nadiskubre sa posesyon nila ang baril at bala at ang marijuana na nagkakahalaga ng P7,200.00.
Nakaditine ngayon ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Law of Firearms and Ammunition.

Show comments