MANILA, Philippines — Umaabot sa 51 katao ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa serye ng police operations na ikinasa nila sa iba’t ibang lugar sa Quezon City nitong nakalipas na magdamag.
Ayon kay QCPD Director P Brig. Gen. Nicolas Torre III, kabilang sa mga naaresto ay 20 drug suspects, 9 wanted persons at 22 na sugarol.
Ang mga nadakip na drug suspect sa serye ng anti-drug at anti-criminality operations ay nakuhanan ng mahigit P313,000 halaga ng mga hinihinalang shabu, mga paraphernalia, at buy-bust money. Sila ay nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang mga wanted persons na naaresto sa pamamagitan ng pagsisilbi ng warrant of arrests ay pawang nakapiit na at iimpormahan na ng mga otoridad ang courts of origin hinggil sa kanilang pagkaaresto.
Ang 22 katao naman na naaresto sa anti-illegal gambling operations ay nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa P.D. 1602 o Anti-Illegal Gambling sa piskalya.
Kaugnay nito, pinuri ni Torre ang kanyang mga tauhan dahil sa kanilang pagiging alerto at walang sawang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa lungsod.