Libreng flu vaccines sa seniors, itinutulak

Inilunsad ang grupong Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE), sa pagtutulungan ng Pasay City local government unit (LGU) at ang iba pang sektoral na kinatawan na nananawagan para sa pag-amyenda sa Expanded Senior Citizens Act sa hangaring magbigay ng libreng bakuna laban sa trangkaso sa lahat ng senior citizen sa buong bansa.
STAR/File

MANILA, Philippines — Sanib-puwersa ang iba’t ibang grupo mula sa gobyerno, medical society, at civil society sa paglulunsad ng isang koalisyon na naglalayong isulong ang kapakanan ng mga senior citizen at itulak ang universal na access ng mga matatanda sa mga bakuna laban sa trangkaso, sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Inilunsad ang grupong Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE), sa pagtutulungan ng Pasay City local government unit (LGU) at ang iba pang sektoral na kinatawan na nananawagan para sa pag-amyenda sa Expanded Senior Citizens Act sa hangaring magbigay ng libreng bakuna laban sa trangkaso sa lahat ng senior citizen sa buong bansa.

Bago ang pormal na paglulunsad, sinimulan ang event na may libreng flu vaccination at COVID-19 booster shots para sa mahigit dalawang daang senior citizens ng Pasay City.

Sinabi ni Philippine Foundation for Vaccination (PFV) President Dr. Rose Capeding na dapat apurahin na ang pagbibigay ng flu vaccines sa mga matatanda dahil sa vulnerability nila sa banta ng kumplikasyon kung tatamaan ng trangkaso.

Ayon naman kay Dr. Gene Solante, na ang mga matatanda na tinatamaan ng influenza ay may mataas na tsansa na magkaroon ng mga kumplikasyon lalo na ang  heart attack ng 3-5 beses at stroke na 2-3 beses sa unang dalawang linggo ng infection.

“We also have to remember that we’re still in a pandemic, which means that senior citizens also still run the risk of COVID-19 co-infection,” ayon naman kay Dr. Eric Tayag  ng Rotary Club Philippines.

Binigyang-diin naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, isang kilalang kampeon ng mga senior citizen, ang kahalagahan ng pagtiyak na ang mga bakuna laban sa trangkaso ay makakarating sa bawat senior citizen sa bansa.

Show comments