Pagyo-yosi bawal sa mga sementeryo

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Carlo Dimayuga III na lahat ng local government units (LGUs) sa National Capital Region ay may kaniya-kaniyang ordinansa laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, kabilang ang mga sementeryo.
The STAR/Russell Palma

MANILA, Philippines — Multang hanggang P5,000 ang babayaran ng isang indibiduwal na mahuhuling naninigarilyo sa mga sementeryo sa Metro Manila sa Undas, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Health.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Carlo Dimayuga III na lahat ng local government units (LGUs) sa National Capital Region ay may kaniya-kaniyang ordinansa laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, kabilang ang mga sementeryo.

May binuo rin na mga “Smoke-Free Task Forces” sa iba’t ibang siyudad para tiyakin na nasusunod ang “smoke-free policies”.

Ang mga mahuhuli ay maaaring pagmultahin mula P500 hanggang P5,000. Ipinaalala rin ng DOH na mapanganib din ang mga “vape at e-cigarettes” na nagtataglay naman ng nakalalason at nakakaadik din na mga kemikal.

Maaari rin umanong maapektuhan ang kalusugan ng mga nakalalanghap ng usok mula sa mga ito dahil sa “second-hand aerosol”.

Samantala, nagpaalala ang MMDA sa pagpapatupad ng “reblocking” at pagkumpuni ng mga kalsada umpisa ng alas-12:01 ng madaling araw ng Linggo o sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Kabilang sa mga kukumpunihin ang: 1. EDSA NB, Quezon City pagkatapos ng Boni Serrano hanggang New York Street sa Cubao; 2. Cloverleaf NLEX NB hanggang EDSA NB (inner lane); 3. Cloverleaf (Chainage 000- Chainage 234) patungo ng NLEX SB; 4.  Roosevelt Avenue corner EDSA SB; 5. Payatas Road, Quezon City malapit sa AMLAC Ville Subdivision; 6. sa may C-5 Service Road, Barangay Bagong Ilog, sa may Lanuza cor D. Julia Vargas malapit sa Valle Verde, sa Pasig Blvd. Brgy. Bagong Ilog malapit sa Rizal Medical Center; 7. C-5 Road SB (2nd lane) Makati City; at 8. sa EDSA SB Quezon City (Balingasa Creek to Oliveros Footbridge).

Show comments