MANILA, Philippines — Isang guest sa isang hotel sa Makati ang nabuking na ginagamit ang inakupahang kuwarto sa pagpa-pot session sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nadakip na si Antonio Chua, 36, residente ng Pasay City. Siya ay inaresto matapos isuplong ng hotel supervisor ng hotel na nasa Rodriguez St., Barangay Bangkal, Makati.
Sa ulat, nagtungo ang hotel supervisor na si Edmond Lizardo sa Bangkal Police Sub-Station hinggil sa nagaganap umanong pot session sa isa sa mga kuwarto ng hotel.
Nang puntahan ang silid, nakakuha ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias na nakapatong umano sa kama ng suspek.
Sa pag-inspeksyon sa silid, narekober pa ang apat na sachet ng hinihinalang shabu, dalawang improvised water pipe, isang glass tube at isang lighter.
Nasa kabuuang 6.4 gramo ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng ?43,520.
Inihahanda na ang pagsasailalim sa inquest proceedings sa suspek sa paglabag sa Section 11 at 12 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).