MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang pagpapatupad ng pansamantalang truck ban sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa layuning maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa gitna ng patuloy na konstruksyon sa lugar.
Sa isang pahayag, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chairman Carlo Dimayuga III na ang pansamantalang truck ban ang nakitang solusyon ng mga mayor sa Metro Manila sa gitna ng kontruksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang proyekto partikular sa harap ng US Embassy.
Sa panig ng MMDA, sinabi ni Dimayuga na naglabas na sila ng isang resolusyon na nagsasaad na ang mga trak at trailer, na may kabuuang kapasidad na timbang na higit sa 4,500 kilo, ay pansamantalang ipinagbabawal na dumaan sa Roxas Boulevard sa Maynila.
“This is to avoid deterioration and shall instead utilize the original truck routes from SLEX (South Luzon Expressway) to Osmeña Highway to President Quirino Avenue or from Port Area to SLEX,” ani Dimayuga.
Nagbigay naman ng gabay ang MMDA para sa alternatibong ruta para sa mga trak na sakop ng pagbabawal.
Ang magmumula sa South Luzon Expressway diretso sa Osmeña Highway hanggang Pres. Quirino Avenue, kumaliwa sa Plaza Dilao patungong Pres. Quirino Ext., kaliwa sa U.N Avenue, kumanan sa Romualdez, kaliwa sa Ayala Avenue/P. Burgos Avenue, pagkatapos ay kumanan sa Bonifacio Drive patungo sa destinasyon.
Mula naman sa Port Area hanggang SLEX, gamitin ang Bonifacio Drive, kumaliwa sa P. Burgos/Ayala Blvd. tapos kumanan sa San Marcelino, kumaliwa sa Pres. Quirino Avenue saka kumanan sa Pres. Osmeña highway papuntang SLEX.
Samantala, sinabi rin ni Dimayuga na magpapatupad ang ahensya ng moratorium sa paghuhukay ng kalsada, maliban sa mga flagship projects ng gobyerno, mula Nobyembre 14 hanggang Enero 2, bilang bahagi ng traffic mitigation measures ng MMDA para sa holidays.