MANILA, Philippines — Limang transgender na miyembro ng “Warla Kidnapping Group” na sangkot sa pagdukot sa mga foreign nationals sa Metro Manila ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group(PNP-CIDG).
Kinilala ang mga suspek na sina Jun Pavilla Villa, Lawrenz Descartin Lingo, Jhonas Grimpula Belonio, Bernard Ty Torres, at Mark Joseph Dagame Pelonio.
Isang Mikey Ebol o mas kilala na Mike Collado Ebol, ang sinasabing lider ng grupo na nag-ooperate sa Pasay, Makati, Parañaque at Taguig.
Ayon kay PNP CIDG director Police Brigadier General Ronald Lee, natunton nila ang mga suspek matapos masagip ang Taiwanese na si Michael Lee sa Parañaque kamakailan.
“Sa tagal-tagal ko sa anti-kidnapping, first time na mayroong naka-encounter kami ng ganito, na grupo ng transgender. And doon sa naging biktima nila na 14, backtracking pa kami, kung sinu-sino mga ‘yun,” ani Lee.
Lumilitaw na hinihingan ng mga suspek ang pamilya at kaibigan ng mga biktima ng pera kapalit ng kanilang kalayaan. Nagawa umano ng mga kaibigan ng biktima na magpadala ng pera sa limang accounts na umaabot sa P308,000 sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na araw.
Modus ng mga suspek na gumamit ng dating app sa kanilang iligal na gawain.
Paliwanag naman ni Col. Hansel Marantan ng CIDG National Capital Region Field Unit, ang ‘warlalu’ ay salita ng mga transgender na pagsugod sa laban.
Sa imbestigasyon ng CIDG, taong 2018 nang nabuo ang grupo ng siyam na transgender women na nakapangbiktima ng nasa 14 na indibidwal at nakakolekta ng 4.2 milyong piso para sa kanilang “sex change”.
Ayon naman kay Col. Frederick Obar, hepe ng PNP Anti-Kidnapping Group sa modus na ito nahihiyang magsalita ang mga biktima dahil naloko ng mga LGBT personality.
Maliban dito, sangkot din ang grupo sa pagbebenta ng ilegal na armas.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong kidnapping at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.