MANILA, Philippines — Sugatan ang isang rider at angkas nito nang makasalpukan ng kanilang sinasakyang motorsiklo ang isang ambulansiya sa Brgy. Bagbag, Novaliches Quezon City, kamakalawa.
Nakilala ang mga sugatan na sina Caleb De La Torre Cuaresma, 33, call center agent, driver ng Yamaha Mio at ang kaniyang angkas na si Adrian Baldos Lladoz, 27, cook. Samantala, ang driver ng ambulansiyang inireklamo ay nakilalang si Patrick Forsuelo Borromeo, 21. Dakong alas-3:20 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Quirino Highway sa harapan ng Novaliches District Hospital, sa Brgy. San Bartolome, Quezon City.
Binabaybay umano ng mga biktima ang kahabaan ng Quirino Highway at pagsapit sa harapan ng Novaliches District Center ay bigla silang nasalpok ng Nissan Urvan na ambulansiya umano ng barangay Bagbag, na minamaneho ni Borromeo.
Dahil sa lakas nang pagkakasalpok, tumilapon ang dalawa na kapwa nagtamo ng mga pilay at sugat sa katawan, habang wasak naman ang kanilang sinasakyang motorsiklo.
Sinasabing wala namang sakay na pasyente o pupuntahang pasyente ang nakabanggang ambulansiya at sadyang mabilis lang umano ang pagmamaneho ng driver nito.
Nahaharap ang ambulance driver sa kasong Reckless Imprudence resulting in Multiple Physical injury with damage to Property.