P1.8 bilyong imported sugar at goods, nadiskubre ng BOC sa Batangas warehouse

Ang natuklasang nasa P1.8 bilyon na halaga ng imported na asukal at goods sa isang warehouse sa Batangas.

MANILA, Philippines — Umaabot sa P1.8-bilyon ang halaga ng mga imported goods, na kinabibilangan ng local at imported na asukal, ang nadiskubre sa isinagawang pag-i-inspeksiyon sa isang warehouse sa Nasugbu, Batangas ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) noong Linggo.

Bahagi ito ng pi­naigting na pagsusumikap ng ahensiya upang hanapin ang mga storage facilities na posibleng sangkot sa umano’y hoarding ng asukal.

Armado ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ang grupo na binubuo ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Manila International Container Port, Intelligence units ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ay nagtu­ngo sa Central Asucarera Don Pedro sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu Palico, Nasugbu Highway, Nasugbu, Batangas kung saan nadiskubre nila ang mga imported goods, kabilang na ang mga imported na asukal.

Ang naturang LOA at MO ay isinilbi sa may-ari/ kinatawan/ administrator/ manager/ lessee/ occupant, o kung sinumang nag-iingat ng mga goods na nakaimbak sa warehouse.

“We consider this a huge breakthrough in our ongoing campaign against sugar hoarding. This may be one of our biggest operations to date since we started inspecting sugar storage facilities,” ayon kay Ruiz.

Sinuri ng grupo ang naturang storage at nadiskubre ang tinata­yang aabot sa 181,299 sakong mga imported na MITR PHOL brand pure refined sugar sa Thailand, gayundin ng 197,590 sako  ng local Don Pedro white sugar.

Nabatid na nakipagtulungan ang composite team sa local police sa Nasugbu at sa barangay personnel sa Barangay Lumbangan bago ang implementasyon ng LOA.

Gayunman, pansamantala ang mga entrance at exit ng bodega ay ipa-padlock muna at seselyuhan ng grupo.

Kaugnay nito, pinuri naman ni Ruiz ang mga tauhan dahil sa naturang accomplishment, ngunit sinabing kailangan nilang higit pang paigtingin ang kanilang operasyon.

Show comments