MANILA, Philippines — Nangako si Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon na ipagpapatuloy ang magagandang programa para sa kaunlaran at serbisyo sa mamamayan ng kanilang lungsod.
Nitong Huwebes ay nanumpa na bilang bagong alkalde ng lungsod si Biazon sa harap ni Muntinlupa City Executive Judge Myra Quiambao kasama ang ilang lokal na opisyal sa The Filinvest Tent, Alabang, Muntinlupa City.
Namayagpag sa nakaraang local elections ang partido ni Biazon na tanging COMELEC-registered local party sa lungsod.
Kasama sa mga nanumpa sa bagong tungkulin sina Congressman Jaime Fresnedi, Vice Mayor Artemio Simundac, at mga konsehal.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Biazon na pag-iibayuhin ang pundasyong iniwan ni Mayor Fresnedi para sa kaunlaran ng mga taga-Muntinlupa at magpapatupad ng political reforms at ng tinawag nitong “new brand of politics.”
Isinusulong ng One Muntinlupa sa ilalim ni Biazon ang 7K Agenda (Katarungan, Karunungan, Kalusugan, Kaunlaran, Kapayapaan/Kaayusan, Kabuhayan, Kalikasan) bilang pandemic response at recovery.