MANILA, Philippines — Arestado ang isang AWOL (Absent without leave) na pulis na itinuturing na top 4 most wanted sa Sta. Mesa, Maynila dahil sa kasong carnapping, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang inaresto na si P/Cpl Richard Antonio, 32, binata, dating nakatalaga sa District Personnel Holding and Accounting Section( DPHAS) ng Manila Police District at residente ng Ang Buhay St., Sta. Mesa.
Sa ulat ng MPD- Sta. Mesa Police Station 8, alas-9 ng gabi nang arestuhin si Antonio habang nakaistambay sa harapan ng barangay hall ng Brgy. 597 Zone 56 sa Sta. Mesa.
Pumalag ang pulis sa ginawang pagposas sa kaniya ng mga kapwa pulis ngunit hindi na nakaimik nang ihain sa kaniya ang warrant of arrest dahil sa kasong carnapping na inisyu ni Judge Maria Paz Rivera Reyes-Yzon ng Manila Regional Trial Court Branch 54.
Inirekomenda naman ang P300,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Antonio sa kinakaharap na kasong paglabag sa Republic act 10833 (New Anti-Carnapping Law).