MANILA, Philippines — Patay ang isang 60-anyos na lolo makaraang ma-trap sa nasusunog niyang bahay sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling araw.
Habang isinusulat ito, patuloy pa ring inaalam ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection ang pagkakakilanlan sa nasawi.
Batay sa ulat ng MFD, alas- 4:45 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa V. Mapa St. sa Sta. Mesa. Agad na iniakyat ito sa ikalawang alarma dakong alas-4:47 ng madaling araw.
Alas-5:36 na ng madaling araw nang makontrol ang pagkalat ng apoy at sinundan ng pagdedeklara ng fire-out dakong alas-5:53 na ng umaga.
Nabatid na marami sa mga residente ang hindi nakapagsalba ng mga kagamitan dahil sa pagkabigla at mabilis na pagkalat ng apoy. Tinaya ng BFP na umabot sa P500,000 ang napinsalang ari-arian sa naganap na sunog.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa pinagmulan ng apoy ng mga arson investigators.