MANILA, Philippines — Binuo ng Quezon City government ang People’s Council na naglalayong palawakin ang pakikiisa ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang panunumpa ng interim executive committee officers ng People’s Council ng QC.
Ang People’s Council of Quezon City (PCQC) ay magsisilbing ‘umbrella arm’ng 2,232 city-accredited Civil Society Organizations (CSO) na katulong ng lokal na pamahalaan para tiyaking ang lahat ng mga programa at polisiya ay mapapakinabangan ng mga taga- lungsod.
“Ang People’s Council ang magsisilbing mata, tenga, at boses ng mga mamamayan sa ating pamahalaang lungsod. Malaki ang maitutulong ng kanilang kasanayan sa pagbuo ng mga programang dapat at nararapat para sa mga residente,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Una nang nilagdaan ni Mayor Belmonte ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng City Ordinance SP-1942,S-2009 o ang Participation, Accountability, and Transparency (PAT) Ordinance na magpapalakas sa ugnayan ng lokal na pamahalaan at mamamayan ng lungsod.
“Sa loob ng 13 taon, hindi naisakatuparan ang batas na ito na sana nagpatatag na ng pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan. Ngayong mayroon nang PCQC na makakatuwang ng pamahalaang lungsod, makaaasa ang mga QCitizen na ang bawat piso at sentimong nanggagaling sa kanilang buwis ay mapupunta sa mga programang makabuluhan at makatutulong para maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat residente,” paliwanag pa ni Mayor Belmonte.