MANILA, Philippines — Malapit na umanong matapos ang konstruksiyon ng pinakaaabangang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na magpapabilis ng biyahe mula at patungong Quezon City at Bulacan.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), sa kasalukuyan ay nasa 63.35% na ang overall progress rate ng naturang proyekto, at nananatiling walang-patid ang pag-arangkada nito, upang mapakinabangan ng mga mamamayan sa lalong madaling panahon.
Anang DOTr, higit dalawang dekada ang hinintay ng mga mamamayan para lamang sa MRT-7 Project.
Nabatid na nagsimula ang konsepto nito noong Agosto 2001 nang ipinasa ang unsolicited proposal nito, habang ang Concession Agreement naman ay napirmahan noong Hunyo 8, 2008.
Gayunman, wala umanong nangyari sa proyekto at pagdating ng administrasyong Duterte sa kalagitnaan ng 2016, ay ni walang poste o isang tren man lang ang kanilang nadatnan.
Dahil dito, sinikap anila ng DOTr at ng San Miguel Corporation (SMC) na simulan at isakatuparan ang proyekto.
Noong Disyembre 2021, opisyal na ring in-unveil ni President Rodrigo Roa Duterte at DOTr Secretary Art Tugade ang unang anim na train sets para sa proyekto.
Anang DOTr, sa sandaling matapos at maging operational ang MRT-7, ang dating 2-3 oras na biyahe mula North Avenue, Quezon City patungong San Jose del Monte sa Bulacan, ay magiging 35 minuto na lamang.
Inaasahan ding aabot sa 300,000 - 500,000 pasahero ang mase-serbisyuhan ng naturang rail line kada araw.