MANILA, Philippines — Babalik si Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa kaniyang pinagmulan sa Tondo kung saan isasagawa ang kaniyang ‘miting de avance’ kasama ang kaniyang mga senatoriables.
Sinabi ni Moreno na ito ang paraan niya para magpakita ng pasasalamat sa kaniyang mga dating kapitbahay, kaibigan at mga residente ng lugar kung saan nag-umpisa siya ng kaniyang karera sa serbisyo-publiko.
“Utang na loob ko sa mga taga-Tondo kung nasaan man ako sa mundo ng public service. Doon ako nagsimula, doon ko tatapusin ung laban. I started there (as a councilor) and I’ll end (my presidential campaign) there,” ayon kay Moreno.
Isasagawa ang miting de avance sa Moriones sa Tondo sa Mayo 7 na mag-uumpisa dakong alas-7 ng gabi. Mataas pa rin umano ang kaniyang kumpiyansa sa magiging resulta ng halalan na ipinauubaya na lang umano niya ngayon sa Panginoon.
Tuluy-tuloy umano ang Team Isko sa patuloy na pangangampanya at pagkuha ng suporta ng iba’t-ibang sektor na tatagal hanggang alas-12 ng hatinggabi.