MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Quezon City Prosecutors Office na sampahan ng kasong grave threat ang delivery rider na nagbanta na papaslangin si presidential candidate Bongbong Marcos sa social media.
Ang food delivery rider na si Michael Go ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 282 ng Revised Penal Code for Grave Threats may kinalaman sa Republic Act 10175 o Cybercrime Law.
Nagreklamo ang kampo ni Marcos nang mag - tweet si Go sa kanyang twitter account na @activistblogger at nagsabing “I was blocked by Marcos Jr . in 2016. Paki sabi mag-ingat siya sa Tandang Sora QC. ‘Pag dumaan siya dun babarilin ko siya. ‘Di ako takot makulong. Hindi rin ako takot mamatay. Isang malaki karangalan ipaghigante mga kasama ko aktibista biktima ng karahasan panahon ng martial law.”
Nakakulong na sa pulisya si Go at pinabulaanan ang alegasyon. SInabi ni Go na ang Twitter account ay hindi kanya.
Ayon sa City prosecutor, ang grave threat ay isang krimen laban sa public security at ito ay nagpaparusa sa sinumang taon na nagbabanta sa kanyang kapwa.
Inirekomenda naman ng prosekusyon ang piyansang P72,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Go.
Una rito, ang kill threat ay ginawa sa Tiktok. Ang sinasabing may ari ng account ay nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) at nagsabing ang kanyang litrato ay ginamit sa naturang account na nagsagawa nang pagbabanta sa buhay ni Marcos.