'Belmonte vs Defensor': Kampanya para sa QC local elections lumarga na

Kuha kay QC Mayor Joy Belmonte (kaliwa) habang nagtatalumpati sa kanyang Grand Proclamation Rally sa Quezon Memorial Circle at katunggaling si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor
Video grab mula sa Facebook page ni QC Mayor Joy Belmonte; Released/Mike Defensor

MANILA, Philippines — Sa pagsisimula ng kampanya para sa local elections ngayong Biyernes, kanya-kanyang larga na ang mga kumakandidato sa Lungsod ng Quezon — primarya sa pagitan ng re-electionist na si QC Mayor Joy Belmonte at katunggaling si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.

Bandang 6:30 a.m. nang simulan ng kampo ng Serbisyo sa Bayan Party nina Belmonte ang kanilang Grand Proclamation Rally sa Quezon Memorial Circle, bagay na sinimulan sa isang misa. Sinamahan siya ng katandem na si Vice Mayor Gian Sotto at kandidato bilang kinatawan ng Unang Distrito na si Arjo Atayde, isang kilalang aktor.

"Simple lang naman dapat ang sukatan sa kahit anong halalan. Gawa, hindi ngawa. Let our body of work, let our accomplishments serve as the yard stick by which we will be measured by our own electorate," ani Mayor Joy sa isang talumpati.

Ipinagmalaki ng alkalde ang ilan sa mga nagawa nila nang pumutok ang COVID-19 pandemic gaya na lang ng pagtatayo ng quarantine facility: ang HOPE 1. Aniya, March 19 pa lang ay meron na nito kahit na March 15 pa lang nag-lockdown. Ang QC daw ang unang lungsod ng nakagawa ng naturang pasilidad.

Agad naman din daw tumugon ang kanilang local government unit sa pagbili ng personal protective equipment (PPE), face masks at face shields para sa lahat ng kanilang healthcare workers, maliban pa sa paghahanda ng mga crematorium.

"Pati [ang mga crematorium] pilit binabaluktot ng ating mga kalaban. Inuna raw natin ang patay... Kailangan natin ng crematorium para hindi maipon ang bangkay sa kalsada. Hindi natin hinayaan na mangyari ang [ang malalang] trahedya [ng COVID-19] na nangyari sa India. Sa QC may dangal ka hanggang sa huling hantungan mo," dagdag pa ni Belmonte.

"Kahit nasa digital age na tayo ngayon, dapat sana tumaas naman ang antas ng pulitika sa ating lungsod... Ang ating kalaban, iisa pa rin ang estilo. Kung ano ang ginawa doon sa pinalitan kong mayor, 'yun pa rin ang diskarte ngayon."

Nagpasaring din si Belmonte sa mga gumagamit ng trolls at fake news ngayong eleksyon laban sa kanyang pamamahala, maliban pa sa pamamahagi ng ivermectin — na hindi pa aprubado at ginawa laban sa COVID-19 — ng katunggaling si Defensor.

Matapos ang pagtitipon sa QC Circle, umikot ang grupo nina Belmonte, Sotto at Atayde sa isang motorcade sa lungsod.

Mamayang 6 p.m. pa gaganapin ang kick-off rally ng "Malayang Quezon City" na pinangungunahan nina Defensor at kanyang vice mayor running mate na si Winnie Castello sa Brgy. Tatalon QC.

Sina Defensor at Castello ay kilalang dinadala ang kandidatura ng UniTeam bets na sina presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at kanyang VP na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. 

Wala pa namang detalye pagdating sa kampanya nina Ricardo Bello at Helen Rodriguez ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas ngayong araw, na siyang kumakandidato rin sa pagkaalkalde at pagkabise.

Anong sabi ng surveys?

Magkakaiba ang sinasabi ng iba't ibang surveys kung sino na nga ba ang nangunguna sa pulso ng mga taga-QC — kung ang kampo ba nina Belmonte o Defensor.

Sa survey na inilabas ng RP-Mission and Development Foundation Inc. nitong Huwebes, lumalabas na nakakuha ng 68% si Belmonte kumpara sa 30% lang na nakuha ni Defensor.

Ayon sa nasabing pag-aaral, karamihan sa Metro Manila mayors na kumakandidatong muli ngayong 2022 ay "mas prefer" ng mga botante kumpara sa kanilang mga katunggali. Hindi lang ito para sa QC ngunit para na rin sa iba lang lungsod ng Kamaynilaan.

Kabaliktaran naman ang lumabas sa non-commissioned survey ng grupong The Issues and Advocacy Center nitong Marso, kung saan sinasabing 52% ang boboto kay Defensor habang 37% lang ang kay Belmonte.

Bukod pa riyan, 6% naman daw ang susuporta para sa ibang mga kandidato sa pagkaalkalde habang 5% naman daw ang wala pang napipili.

 

--

Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.

Show comments