MANILA, Philippines — Ikinatuwa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagpapababa sa COVID-19 Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR) dahil nangangahulugan aniya ito na tumatalima na ang publiko sa ipinaiiral na health protocols ng pamahalaan, gayundin sa iba pang guidelines upang mapigilan ang COVID-19 surge.
Matatandaang nagpasya ang pamahalaan na isailalim sa Alert Level 3 ang Metro Manila noong unang bahagi ng Enero matapos tumaas ang mga kaso ng COVID-19 dulot ng Omicron variant nito.
Ayon kay Año, sa kabila naman nang pagpapababa sa Alert Level 2 sa NCR, ipagpapatuloy pa rin ng pamahalaan ang monitoring dahil inaasahang maraming tao na naman ang dadagsa sa mga mall at mga pampublikong lugar, habang madaragdagan din ang workforce.
“Ang pinaka-importante kasi diyan ‘yung cooperation ng lahat. Nakita naman natin nung nag-Alert Level 3, hindi na tayo nag-Level 4. Sila na ‘yung nag-stop papunta ng mall, sila na mismo ‘yung tumigil sa mga ibang activities. That’s a good sign that we have learned so much from this pandemic,” anang DILG chief.
Nakita rin aniya ng mga Pinoy ang kahalagahan ng pagpapabakuna, nakilala ang mga sintomas ng COVID-19 at nag-isolate ang mga ito kung kinakailangan.
Ikinatuwa rin niya na nakaagapay ang healthcare system kahit pa dumami ang mga taong dinapuan ng virus.
“Kahit na marami ‘yung numbers na na-infect, hindi overwhelmed ‘yung ating health care facilities. ‘Yung nagkakasakit sa bahay lang gagaling so ibig sabihin pwede tayong magbukas ng mga economic activity. Ang kailangan lang dito ‘yung individual responsibility na watch out for yourself. Kapag ikaw ay naging close contact, dapat self-isolate na. Look out for symptoms,” aniya pa.